Habang naglalakad ako kaninang hapon, ang dami ko nang naisip na maaaring isulat para sa pagkakataong ito. Itong oras na nasa silid na muli ako, sa harap ng mesa, nasa espasyo ng pagsusulat. Ngunit paanong ngayon, biglang nawala na lamang lahat ng mga salitang iyon?
Sabi ko pa naman nu’n, oras na. Ayun, ayun mismo ‘yung nais kong ilathala: ang aking deklarasyon na oras nang angkinin ko itong salitang ito. Na mahigit dalawang dekada na akong naghihirap para sa wala. Itong saykosomatik na kontemporaryong sakit na nakasanayan ko nang sabihin sa sarili ko. Kesyo hindi masyadong napagtuunan ng pansin ang Filipino sa eskwelahan kaysa Ingles. Kesyo mas na ensayo lang talaga sa wikang iyon at mas gamit dahil na rin sa karamihan sa mga nakakausap ko, Ingles ang gamit, hindi Filipino maski pa Tagalog.
Magpapakatotoo lang din ako sa isa ko pang motibo sa pagsisimula nitong ensayo sa Tagalog: sa susunod na buwan, may dalawa o tatlo ata akong kurso na Filipino ang pangunahing wika. Siyempre gusto ko na lahat ng papel na ipapasa ko sa kahit alinman sa mga kursong iyon ay kasing galing ng maipapasa ko kung Ingles ang gamit. Pero hindi naman talaga ‘yun ang pangunahing rason. Kung tutuusin, pinili ko ‘yung mga kursong iyon dahil sa iba ko pang motibo na sa tingin ko ay mas malalim at mas importante.
Subalit gustuhin ko mang ipaliwanag iyon nang mabuti at madetalye, parang hindi pa handang magpa-mayroon ang motibong iyon. Hindi ko pa rin talaga lubusang naiintindihan kung bakit matapos ang ilang taon at maraming isipang-pagluwas, nandito ako, nagtatangkang pagbutihin ang wika ng akin raw ay Inang Bayan. Medyo kumplikado talaga ang relasyon ko sa mga nanay, ano? Tapos ngayon pa, pakiramdam ko sa paggamit ko ng salitang ito, nakatingin ako mula sa labas ng bansa, o hindi lang bansa. Sa labas ng planeta. Na para bang mula sa kalawakan lang (kaya kailangang mula rito gawin) ako komportableng magsalita ng ganito. Mula sa labas at sa layo ng lahat. Mula sa malamig na kadilimang nakatanaw sa mainit na munting bayan.
photo journal
english
tagalog
한국어