Bágay-bágay

Mangungulila tayo sa mga bagay-bagay
na habambuhay ay atin naman
lagi’t lagi’t naririto, pumapalagay
lagi’t lagi’y sinasantabi, sumasaglit, sumasandali—
mga bagay na nililimot, binibitawan
mga bagay na hindi mapakawalan.

Mangungulila tayo sa mga mithiin
na dating gumagabay, yumayakap sa atin
narito na naman tayo
sa punto ng pagtatanto at mangyaring pagpili
sa mga bagay na nililimot, binibitawan
sa mga bagay na hindi mapakawalan.

Mangungulila tayo
at dadamdamin
ang bigat nitong ating mga
damdamin
itong mga bagay na nililimot, binibitawan
itong mga bagay na hindi mapakawalan.